Matagal ko ng naisip na darating at darating din ang panahon na 'to, na kailangan ko 'tong paghandaan. Pero alam kong wala naman talagang taong handa dito, na di naman talaga puedeng paghandaan ang mga ganitong pangyayari sa buhay. Kusang darating at darating na lamang ito at talagang pag iisipan mo ang mga sasabihin mo, na kung tama ba ang mga sagot na binigay mo, at kadalasan di ka iimik at titingnan mo na lamang siya kasi alam mong wala kang sagot, na wala ka talagang alam na sagot at talagang walang pwedeng sagot sa kanyang tanong. At sasabihin mo rin sa kanya at sa sarili mong hindi mo talaga alam ang sagot.
Bakit? Bakit hindi mo alam?
At di ka tatantanan, dahil kailangan mong sagutin. Kailangan niyang malaman. Gusto niyang malaman. At pag hindi mo na alam ang sasabihin, ikaw mismo ay nanaisin mo na ring malaman kung ano talaga ang sagot at pareho na kayong magtatanong.
Bakit.
Pero di ko tatanungin ang tadhana ng bakit at kung bakit kailangan talagang malaman ng anak kong 3 taon pa lamang ang salitang "Bakit?" kasi alam ko na ang kanyang isasagot, at ito'y isang tanong rin.
Bakit?
sige, isuot mo na slippers mo.
Bakit ko kailangan isuot slippers ko?
Kasi madudumihan ang paa mo.
Bakit madudumihan ang paa ko?
Kinuha ko na lang slippers at sinuot sa kanya. Marahil yun na ang pinaka mainam na sagot. At alam ko madali pang sagutin yung tanong na yun kasi minsan nagtanong na siya kung bakit daw kailangan ko pang magtrabaho, kung bakit daw kailangan pang matulog, kung bakit daw kailangan pang kumain.
Minsan sabi ko gaganti ako, kaya't isang hapon habang mag nnap kami tinanong ko siya, habang nagkkwentuhan kami, nakahiga sa kama at nakatingala at habang ang isip niya ay nasa paghahanap nung butiki na tumago na lang bigla:
Bakit mo love si papa?
Kasi nandoon si Pooh sa taas ng bed.
Bakit nasa taas si Pooh ng bed?
Kasi kasama niya si Pi-let.
Matapos ang ilang saglit ng pag-iisip sabi ko na lang:
Sige, nap na tayo.
Bakit ganito. Bakit?
Dec 21, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment